Friday, August 8, 2008

Aratiles

Binaybay nilang magkapatid ang pilapil. Maputik and lupa ngunit malinis ang hangin. Ang langit asul, at ang palayan berde. Si Kuya ay nasa grade six, si Ading ay grade por. Pero walang pasok ng araw na yaon. Tuwing sabado, nakaugalian na nilang mamasyal sa bukid, malapit sa burol, sa gawi ng sakahan nila Bittong.

Bagamat wala pang dalawang kilometro ang layo mula sa 'centro', ang daan patungo sa burol ay tila isang malayong paglalakbay na sa magkapatid. Galing sa bahay ay dadaan sila sa Burgos na kung saan may asong nanghahabol ng mga bata, mula roon ay tatawid sila ng Kulukul Creek patungo sa San Nicolas. Sa San Nicolas, maraming siga, bata man o matanda. Kailangan nilang umiwas ng daan, kaya ang gilid ng dike at taas ng parensa ang kanilang sinusundan. Paglabas ng San Nicolas ay kailangan nilang tawirin ang daybersyon road - napakalaking daan na kung saan dumadagundong ang mga bus at trak na.Pagtawid nila ay puro palayan na, at mahabang putikang pilapil ang kanilang tutulayin.

Ang palatandaan ng dulo ng paglalakbay ay isang malaking aratiles na matatagpuan sa mala-islang tumpok ng lupa at kawayanan. Ang aratiles ay mataas at palaging hitik sa bunga. Ito ang huling destinasyon ng magkapatid bago tumulak pauwi.

Karaniwan, parehong umaakyat sa aratiles ang dalawa, pero ngay0n araw na ito ay tila madaling nagsawa si Kuya at nasumpungang hanapin na lamang ang pinanggagalingan ng bukal sa tabi ng palayan. Si Ading, sadyang may baon pang plastik, ay desididong di lamang kumain ng aratiles kundi magbaon pa pauwi.

Hala sige ang kanyang pagpitas. Meron dito, isang tumpok. Duon may mga hinog pa. Inumpisahan niya mula sa laylayan ng mga dahon, siyang mga naabot pa niya mula sa lupa. Pagkatapos non at paakyat siyang namitas, unti unti, hanggang mapuno ang kanyang plastik at marating niya ang tuktok ng aratiles.

Sa taas, kumain ng ilang aratiles at bahagyang nagpahinga si Ading. Dahan dahan siyang kumuha ng ilang mapupulang bunga mula sa plastik, at baka matapon ang kanyang mga nakolekta. Kapag nakasubo na ng ilang hinog na bunga ay kikipitin niya muna ang plastik, kakapit ng mabuti sa sanga ng puno, at tatanaw sa kalawakan ng palayan habang ngumunguya. Malililim duon sa puno, may bahagyang hangin, tahimik, kasama si Kuya. Ligtas ang pakiramdam.Payapa.Masaya.

Ngunit mula sa sulok ng kanyang pananaw ay nakita niya ang isang aratiles - malaking malaki, pulang pulang, at tila pintog na pintog sa busog sa lambing ng araw at hangin. Iba itong aratiles na ito, tila maliit na bayabas na sa laki, tila apol ang pagkapula. Tinantiya ni Ading kung kaya niya itong makuha. Medyo malayo, nasa dulo ng payat na sanga. Pero 'maabot ko yun' ika niya sa sarili, 'basta dahan-dahan lang'. At pinadausdos niya ng pagkaingat ingat ang kanyang mga paa papalapit sa aratiles, patungo sa dulo ng sanga, habang nakakapit sa isa pang payat na sanga sa ulunan niya. Dahan-dahan. Malapit na. At marahang narating ng kanyang munting kamay ang mapulang aratiles, at itoy pinitas ng may ngiti sa labi.

At sumabay sa pagkapitas ng aratiles ang isang malakas na tunog - KRAK! Nabali ang sanga. Sa isang iglap ay nasa lupa na si Ading. Nang mahimasmasan ay napansin niyang nakahiga na siya sa maputik na lupa, nakatingin sa pinanggalingan, na mula kung saan ay nahawi lahat ng dahon at sanga ng aratiles dahil sa kanyang pag-imbulog.Dahan dahan siyang bumangon, at dahan dahan niyang binuksan ang kaliwang kamay - naroon ang pula at malaking aratiles, buo at makintab pa. Napangiti siya. Kinipit niya ang kaniyang plastik papalapit, at pagtingin dito ay napawi ang kaniyang ngiti - wala na lahat ang iba pang aratiles, wasak ang plastik, at may bahid pa ng pagkapisat ng ilang bunga. Sa kanyang paghulog ay nagtalsikan ang mga ito, sumabit sa mga sanga, nahulog sa putikan, kanyang nadaganan. At sa kanaisang mapawi ang sama ng loob, isinubo niya ng malaki at mapulang aratiles. Dahan dahan nilaro sa dila, at saka kinagat. Ngunit sa kaniyang panlasa ito ay matabang, tila mapait pa nga, at makapal ang balat.

Nangingilid na ang kanyang luha ng dumating si Kuya, kaya pinigilan na lamang niya ito. Oras na para umuwi. At sa paglalakad pabalik sa bahay, pawang tahimik si Ading habang si Kuya ay maraming kuwento tungkol sa bukal - na may mga butete doon at insektong tumatakbo sa ibabaw ng tubig.

Palubog na ang araw nang marating nila ang bahay. Walang dalang aratiles si Ading. Wala tuloy ang dapat na kakainin nila ni kuya pag-uwi, na siya rin sanang pasalubong nila kay Bikyung.

2 comments:

id said...

opinyon lang- u sound kasi as if ur not comfy with ur language, or possibly... magulo ang isip mo?

Ina said...

Juan. Dahil sa kawalan ko ng kasanayan sa mga proseso sa blog, naisulat ko ang aking komento sa kwento mong "Aratiles" sa unang post mo. At dahil tinatamad na akong mag-copy-paste, pakitignan mo na lang doon. Ulit...husay.